Noong una kong hinain sa’yo ang aking buong pagkataong puno
ng alinlangan, ngiti at tawa lamang ang iyong nakita. Noong iladlad ko sa’yo
ang aking kahinaan, pagpikit lamang ang iyong ginawa. Siguro ay nababalot na
ako ng napakaraming telang pinagpatong-patong kaya’t hindi mo ako makita. Hindi
mo makita ang totoong ako. Hindi mo makita ang nararamdaman ko. Hindi mo
magawang makita lahat ng pagsisikap na ginagawa ko para lang makalimutan mo
siya.
Oo, ako si tanga, na pumayag na ibigay sa’yo ang buong-buong
ako kahit alam kong hindi mo maibibigay sa akin ang buong-buong ikaw. Hindi mo
magawa dahil ang malaki mong parte ay hawak parin ng iba. Ang parteng kahit yun
lang ay sapat na para sa akin pero hawak parin niya. Ang parteng maaari ng
bumuhay sa akin pero hindi mo magawang kunin sa kanya dahil kahit ayaw mong
aminin alam kong mahal mo parin siya. Mahal mo parin kaya’t hanggang ngayon
umaasa ka na baka may pagasa pa.
Kaya ako na naman itong si tangang umaasa na sa bawat haplos
ko’y malilimutan mo ang mga sandaling ang kanyang palad ay humahagod sa iyong
balat. Umaasa ako na sana sapat na aking mga yakap, na hindi mo na hahangarin
ang mga yapos ng iba. Sa tuwing nararamdaman ko ang mainit mong katawan, iniisip
kong sana ay para sa akin ka lamang nag-iinit dahil hindi ko naiisin ang iba
pang temperatura. Dahil ayoko ng lamig. Dahil ayoko ng panlalamig. Dahil ayoko
ng panlalamig mula sa’yo. Dahil ayokong mapawi ang naglalagablab kong damdamin.
Dahil ayokong maging sin-tigas at sin-lamig ng yelo ang aking puso na maaaring
matunaw at tuluyang mawalan ng saysay.
Maunawaan mo sana na ang hinahangad ko ngayon ay maglaho
lahat ng lungkot at pighati na nararamdaman mo. Kapit at yakap ay aking
hinihigpitan upang maramdaman mo, upang marinig mo, upang sa unang pagkakataon
ay masilayan mo ang puso kong nagdurugo. Nadudurog. Wasak. Pero ayos lang.
Masokista ako. Okay lang na pauli-ulit akong masaktan. Okay lang na sa tuwing
sasapit ang gabi, luha ko ay kusang kumakawala sa aking mga mata dahil alam
kong siya ang iniisip mo bago ka pumikit. Ayos lang. Okay lang. Okay lang. Ayos
lang. Wag ka lang masaktan.
Pero bigo ako sa tangi kong misyon dahil hindi ko maibibigay
sayo ang ligaya mo. Dahil hindi ko kayang ibigay sayo. Dahil hindi ko gustong
ibigay sayo. Siguro ay madamot ako. Siguro ay makasarili ako. Pero paano ko
ihahandog sayo ang kaligayahan mo kung ang kahulugan nito ay ang pagkalaho ko
sa buhay mo? Ang kahulugan nito ay ang pagbabalik niya sa tronong akala ko ay
naangkin ko na. Tronong aking inalagaan dahil wala na akong nanaisin pang ibang
lugar kung hindi sa tabi mo.
Kaya nandito na naman ako at magpapaka-tanga.
Susubukan lahat ng paraan. Sisikaping mapasaakin ang kanyang pagmamay-ari.
Hindi ko alam kung gaano katagal. Hindi ko alam kung hanggang saan aabot. Hindi
ko alam kung posible pa ba. Pero mahal, bukas sa pagmulat ng iyong mga mata, sana
ako naman ang pumasok sa isipan mo.
-Katy O.