Friday, July 22, 2016

Sa Katahimikan Natagpuan ang Paalam

Hindi ko alam kung saan uumpisahan
Ang Paalam na nag-wakas
Sa dulo ba kung saan nawala ang lahat?
O sa umpisa kung saan natagpuan ang ikaw?
Marahil ay dapat sa panahong ang ingay mo
Ang siyang bumabalot sa paligid ko
Ngunit paano kung hanggang ngayon
Ay ito pa rin ang naririnig ko
Hindi. Mali. Imahinasyon lang ang lahat
Dahil ang tanging natirang tunog ay galing sa kawalan
Sa paligid kung saan dati ay nanatili ka
Sa espasyo kung saan ikaw ay nawala
Pero ang totoo ay pinili nating huwag magsalita
Mas pinili nating huwag magkibuan
Na tila ba ay naiintindihan ang bawat galaw
Kahit ni isang letra ay walang naibigkas
Naalala ko noong isang beses akong pumunta sa inyo
Pinigilan mo akong hugasan ang pinggan sa lababo
Kasi sabi mo ayon sa kasabihan ay maaaring hindi na ako makabalik pa
Kaya’t hinyaan at pinagmasdan na lamang kita
(hinugasan ko ang tasang pinaginuman mo ng kape
Hindi mo ako pinigilan)
Hindi ako bulag para hindi mapansin
Na sa tuwing ako’y lalapit ika’y umaalis
Na para bang may boltahe sa aking mga palad
Na makukuryente ka kapag aking mahawakan
Noong nakita kong napapagod ka na
Isinandal ko ang ulo mo sa aking balikat
Pero ikaw ay bumangon at tumakbo
Na parang natusok ng libu-libong karayom
Kaya’t heto ako, isinara ang bibig
Pilit ibinabaling sa paligid ang tingin
Isang talata sa libro, sampung beses ng binabasa
Hanggang ngayon ay hindi pa rin maunawaan
At tulad din ng lahat ng paglalakbay
Sa dulo rin tayo maghihiwalay
Hindi ko malilimutan ang iyong mga tingin
Kaway at ngiti lamang ang aking naisukli
Kaparehas ng pagindak at pagsayaw
Alam nating ang kanta ay patapos na
Pinili mong lumisan ng walang pasabi
Pinili kong tumahimik at hindi mangulit
Ngayon katahimakan ang kumain sa paligid
Ang tinig mo’y hindi na narinig
Hindi ko kukwestyunin ang iyong pagalis
Hindi ko hihintayin ang iyong pagbalik
Sa katahimikan aking natagpuan ang iyong paalam
Pilit pinipigilan ang sarili na ikaw ay sigawan
Bubuksan ang iyong laman at isisiksik ang aking katawan
Pero hindi. Tama na. hanggang dito na lang.  
At tutal mas pinili narin natin ang katahimikan

Sana ay sa katahimikan natin matagpuan ang tunay na kaligayahan

                          -Katy O.

Monday, July 18, 2016

Noon at Ngayon

Bakit ngayon lang
Bakit kung kailan hindi ko na kayang maniwala
Bakit kung kailan hindi ko na kayang magtiwala

Bakit ngayon pa
Bakit kung kailan nasanay na akong masaktan
Bakit kung kailan natutunan ko ng lumigaya

Bakit hindi noon
Noong ang salita mo ang nagpapaikot sa aking mundo
Noong hawak ng iyong mga mata ang aking pagkato

Bakit hindi dati
Dating mabubuo na ang araw masulyapan lang ang iyong ngiti
Dating kahit masakit din ay kahit papaano ay kayang kong sabihing 'okay lang, mahal naman kita.'

-Katy O.

Tuesday, July 5, 2016

Bibitawan Na Kita

Patawad sinta.
Patawad dahil ngayon ay susuko na ako.
Patawad dahil ititigil ko na ang aking kahibangan.
Akala ko ay kakayanin kong magtiis.
Akala ko ay malalagpasan ko rin lahat ng sakit.
Pero ang hirap pala kapag ako lang ang nagmamahal.
Ang hirap dahil ako rin lang ang nasasaktan.
Kaya gagawin ko lang ang dapat.
Hahanapin ko ang lunas
Bibitawan na kita.

Oo, natatandaan kong ilang ulit mo nang sinabing huwag akong umasa.
Subalit paano ko mapipigilan kung sa tuwing gabi boses mo ang aking naririnig?
Paano ko pahihintuin ang damdamin ko kung ang mga yapos at hagkan mo ang parati kong nadarama?
Hindi ko alam kung malinaw ba sayo ang lahat. Pero sa akin, malinaw.
 Naiintindihan ko naman an gating magulong sitwasyon.
Alam kong walang patutunguhan to.
Pero eto ako si tanga, nagbabakasakaling bukas, pagmulat ng iyong mga mata, maramdaman mong ako dapat ang laman ng puso mo.

Tangina. Nakakatawa rin palang umasa.
Kaya sinta, patawarin mo ako.
Dahil kahit gustong gusto ko pang kumapit.
Bibitawan na kita.




-Katy O.