Hindi ko alam kung saan uumpisahan
Ang Paalam na nag-wakas
Sa dulo ba kung saan nawala ang lahat?
O sa umpisa kung saan natagpuan ang ikaw?
Marahil ay dapat sa panahong ang ingay mo
Ang siyang bumabalot sa paligid ko
Ngunit paano kung hanggang ngayon
Ay ito pa rin ang naririnig ko
Hindi. Mali. Imahinasyon lang ang lahat
Dahil ang tanging natirang tunog ay galing sa kawalan
Sa paligid kung saan dati ay nanatili ka
Sa espasyo kung saan ikaw ay nawala
Pero ang totoo ay pinili nating huwag magsalita
Mas pinili nating huwag magkibuan
Na tila ba ay naiintindihan ang bawat galaw
Kahit ni isang letra ay walang naibigkas
Naalala ko noong isang beses akong pumunta sa inyo
Pinigilan mo akong hugasan ang pinggan sa lababo
Kasi sabi mo ayon sa kasabihan ay maaaring hindi na ako makabalik pa
Kaya’t hinyaan at pinagmasdan na lamang kita
(hinugasan ko ang tasang pinaginuman mo ng kape
Hindi mo ako pinigilan)
Hindi ako bulag para hindi mapansin
Na sa tuwing ako’y lalapit ika’y umaalis
Na para bang may boltahe sa aking mga palad
Na makukuryente ka kapag aking mahawakan
Noong nakita kong napapagod ka na
Isinandal ko ang ulo mo sa aking balikat
Pero ikaw ay bumangon at tumakbo
Na parang natusok ng libu-libong karayom
Kaya’t heto ako, isinara ang bibig
Pilit ibinabaling sa paligid ang tingin
Isang talata sa libro, sampung beses ng binabasa
Hanggang ngayon ay hindi pa rin maunawaan
At tulad din ng lahat ng paglalakbay
Sa dulo rin tayo maghihiwalay
Hindi ko malilimutan ang iyong mga tingin
Kaway at ngiti lamang ang aking naisukli
Kaparehas ng pagindak at pagsayaw
Alam nating ang kanta ay patapos na
Pinili mong lumisan ng walang pasabi
Pinili kong tumahimik at hindi mangulit
Ngayon katahimakan ang kumain sa paligid
Ang tinig mo’y hindi na narinig
Hindi ko kukwestyunin ang iyong pagalis
Hindi ko hihintayin ang iyong pagbalik
Sa katahimikan aking natagpuan ang iyong paalam
Pilit pinipigilan ang sarili na ikaw ay sigawan
Bubuksan ang iyong laman at isisiksik ang aking katawan
Pero hindi. Tama na. hanggang dito na lang.
At tutal mas pinili narin natin ang katahimikan
Sana ay sa katahimikan natin matagpuan ang tunay na kaligayahan
-Katy O.
No comments:
Post a Comment